NAITAKAS ng may 50 armadong miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang pitong preso na ihahatid para ikulong sa Lanao del Sur Provincial Police Office (LSPPO) kaninang umaga, Abril 23.
Hindi naman nabanggit ni Chief Inspector Lemuel Gonda, hepe ng operations and plans branch ng Cagayan de Oro City Police Office (COCPO) kung ang pitong preso na pawang may kasong illegal possession of firearms at Republic Act 9165 ay MILF rebels.
Magkagayunman, inilatag na ng awtoridad ang hot-pursuit operation laban sa nasabing bilang ng MILF at sa pitong itinakas na mga preso.
Bago ito, sinabi ni Gonda na ihahatid sana ng isang Insp. Pansoy ng Picong Municipal Police Station ang mga bilanggo sa LSPPO nang harangin ang kanilang convoy.
Ayon kay Gonda, hindi na nakapalag pa ang mga pulis nang bitbitin sa kanilang pagtakas ang pitong preso dahil bukod sa napapalibutan sila ay armado rin ng malalakas na klase ng armas ang MILF rebels.
Kinuha rin ng mga MILF rebels sa kanilang pagtakas ang mga dalang baril.
The post 7 preso itinakas ng MILF sa Lanao del Sur appeared first on Remate.