ISANG ginang na 8-buwang buntis ang pinagbubugbog ng isang magkapatid na babae na pinausod lamang habang sakay ng isang pampasaherong jeep sa Malabon City kagabi.
Nahuli ang mga suspek na sina Raycel dela Cruz, 19, at kapatid nitong si Cherry Ann, 17, kapwa ng Brgy. Maysilo ng nasabing lungsod na nasa pangangalaga ng Social Welfare Department (SWD).
Base sa salaysay ng biktimang si Marilou Bautista, 35, ng Macopa St., Brgy. Potrero ng nasabing lungod, dakong 8:00 ng gabi nang sumakay siya ng pampasaherong jeep kasama ang kanyang panganay na si Shaika, 5-taong-gulang na babae.
Pagsakay sa jeep ay dinatnan ng una ang mga suspek na may kasamang isang lalaki kung saan agad na nakiusap ang buntis na kung puwedeng umusod ang mga ito dahil nahihirapan siya sa laki ng tiyan.
Hindi na lamang pinansin ng biktima ang pagmumura ng mga suspek at nang pumara na ang mga suspek ay agad na hinagisan ng tunaw na ice cream si Bautista bago sinabunutan, tinadyakan sa tiyan at pinakakalmot.
Pinagbantaan pa umano ng mga suspek ang biktima na mamamatay ang batang nasa sinapupunan nito.
Mabilis namang nakahingi ng tulong ang biktima dahilan upang maaresto ang mga suspek at nakitang may mga kalmot din sa braso ang kanyang anak na pumagitna sa away ng ina at mga suspek.
Kilala umanong kapwa-pasaway ang magkapatid na suspek na dumepensa pang hindi nila alam na buntis ang ginang na malaki na ang tiyan.
The post Buntis, binugbog ng mag-utol na bebot appeared first on Remate.