DALAWA ang nalagas habang dalawa naman ang nasugatan nang bumulusok sa bangin ang kanilang sinasakyang delivery truck sa Aklan province kaninang madaling-araw, Mayo 2.
Dead-on-the-spot sanhi ng pinsala bunga ng pagkakaipit ng katawan ang biktimang si Peter Paul Palma, 46, drayber ng trak at ang helper nitong si Arnel Epilepcia, 25.
Isinugod naman sa Malay Baptist Church sanhi ng iba’t ibang pinsala sa ulo at katawan ang dalawang sugatan na sina Rey-Anne Terible, 29, at Elmer Prodente, 20.
Sa ulat, naganap ang insidente alas-12:45 ng madaling-araw sa isang palikong kurbada sa national highway ng Barangay Libertad sa Nabas town sa Aklan.
Ayon kay SPO4 Crispin Calzado, bago ang insidente ay sakay ang mga biktima sa kanilang trak at tinatahak ang nasabing kurbada nang biglang hindi kumagat ang preno ng sasakyan.
Sa kalituhan, imbes ibangga sa puno ay bumulusok ang trak sa bangin na may lalim na 100 talampakan.
Ayon pa sa imbestigasyon, nagmula ang trak sa Caticlan sa Malay at papunta ito sa Kalibo, Aklan nang maganap ang insidente.
The post Trak swak sa bangin, 2 tigbak, 2 sugatan appeared first on Remate.