BAGAMA’T may nadampot na ang pulisya na mga suspek sa Fairview shooting spree nitong nakaraang Linggo ng madaling-araw, patuloy pa ring hinahanting ng Quezon City Police District (QCPD) operatives ang mismong ‘gunman’ sa pamamaril.
Kaya para makatulong na mahuli agad, inilabas na kaninang umaga, Mayo 14, ng QCPD ang larawan ng suspek sa publiko na nakilalang si Mohamad ‘Walad’ Mautin Sandigan.
Pero agad namang nagbabala si QCPD Criminal Investigation and Detection Unit head Chief Inspector Rodel Marcelo na ang suspek ay lubhang mapanganib dahil magaling itong mamaril.
Bukod pa rito, tiyak na bukod aniya sa handa itong pumatay at mamatay ay kargado ito ng malalakas na klase ng armas para ipagtanggol ang sarili.
Magaling rin aniya si Mautin sa paggamit ng baril dahil ang halos ng kanyang binaril sa Fairview shooting spree ay sa ulo ang tama.
Si Mautin at isa pang kasamahan, ang itinuturong walang habas na namaril sa limang katao sa magkakahiwalay na insidente sa may Regalado Avenue sa North Fairview noong Mayo 11, alas-3 ng madaling-araw.
Nitong Martes ng hapon lamang, dinampot sa isang follow-up operation ang anim na kalalakihan sa kanilang hideout sa Fairmont subdivision.
Pero dalawa rito na ang isa ay menor-de-edad ay pinakawalan din habang ang isa naman ay dinidiin na siyang angkas ni Mautin sa motorsiklo at ang tatlo naman ay pinasinungalingan na may kinalaman sila sa insidente. Ipinakustodiya na sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang naturang menor-de-edad.
Nabatid din na ang isang kulay pulang motorsiklo na may plakang 1483 na pinaniniwalaang ginamit sa pamamaril ay nasangkot na rin sa fatal shooting sa isang jeepney driver noong Oktubre 2013.
Sa kabilang dako, hindi pa rin malaman hanggang ngayon ang tunay na motibo sa pamamaril.
“Kung babasahin mo ang naging aksyon nila, parang walang dahilan para mamaril sila unless may sarili silang kadahilanan o galit na namamayani sa kanila,” dagdag pa ni Marcelo.
The post Gunman sa shooting spree sa Fairview, handang mamatay appeared first on Remate.