NAKUWELYUHAN sa drug-bust operation ang isang konsehal at asawa nito sa Maguindanao, kaninang umaga, Mayo 14.
Hindi na nakapalag pa nang ihain ng pulisya sa suspek na si Nasser Buat, municipal councilor ng Matanog, Maguindanao at sa kanyang misis na si Tarhata ang isang search warrant na ipinilabas ni Judge Bansawan Ibrahim ng Regional Trial Court (RTC) Branch 13.
Bukod sa nakumpiskang 20 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P130,000, nasamsam din ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ARMM ang tatlong loose firearms kabilang ang isang M16 rifle at dalawang kalibre .45 baril at iba pang drug paraphernalia at bala.
Kabilang si Councilor Buat sa 12 target sa listahan ng PDEA-ARMM habang nasa watchlist naman ang asawa nito.
Kinumpirma ng PDEA na naaresto na rin noong 2009 si Buat sa parehong kaso.
Nakakulong na ang dalawa sa PDEA-ARMM at nahaharap sa mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Dangerous Drugs Act of 2002 at RA No. 10591 o Illegal Possession of Firearms.
The post Konsehal, misis tiklo sa droga at armas appeared first on Remate.