NAPATIMBUWANG ng awtoridad ang isang presong nagtangkang mang-agaw ng M16 rifle sa kanyang police escort sa Northern Samar nitong Biyernes ng umaga, Mayo 16.
Nagtamo ng tama ng bala ng 9mm service pistol sa ulo at dibdib ang presong si Gerry Espera, 39, tubong Mondragon town.
Pansamantalang kinumpiska sa nakabaril na si jailguard Nick Magdaraog ang kanyang 9mm service pistol habang iniimbestigahan sa nasabing pangyayari.
Sa ulat, naganap ang insidente alas-8 ng Biyernes ng umaga sa compound ng Northern Samar sub-provincial jail sa Allen town.
Ayon kay Provincial jail warden na si Benito Lim, ilalabas pa lamang ng kulungan si Espera para dumalo sa kanyang kasong forcible abduction with rape na nakasampa sa Allen regional trial court nang agawin nito ang M16 rifle na hawak ng isang jailguard na nakilala lamang na Espada.
Binaril naman agad ni Magdaraog si Espera na isang military intelligence officer na nadismis sa serbisyo at nahaharap sa isa pang kasong kriminal dahil sa pagpatay kay Fr. Cecelio Lucero, na isang kilalang human rights activist sa probinysa noong Setyembre 6, 2009.
Si Espera ay nakaditine sa Dancalan provincial jail sa Bobon town at dinala lang sa Allen para sa pagdinig ng kanyang kaso.
The post Presong yumari sa pari, tigbak sa jailguard appeared first on Remate.