SUGATAN sa sunog ang isang dayuhan nang tupukin ng apoy ang isang Christian church na kanyang tinutuluyan sa Quezon City kaninang umaga, Mayo 17.
Isinugod agad sa Delgado Hospital sanhi ng lapnos sa kanang braso at supokasyon ang biktimang si Gerry Gideon, 29, isang Nigerian national.
Sa ulat ng QC Fire Department, naganap ang insidente alas-6:45 ng umaga sa Team Ministries International na nasa kanto ng Kamuning Road at T. Gener Street sa Barangay Kamuning, QC.
Ayon kay F/Supt Jesus Fernandez, hepe ng QC Fire Department, lumalabas sa kanilang pagsisiyasat na nagmula ang apoy sa mismong kuwarto na tinutulugan ni Gideon.
Makalipas naman ang halos 20 minuto ay naapula na ang apoy pero nasunog ang kanang braso ni Gideon.
Umabot sa kalahating milyong piso ang danyos ng sunog.
Napag-alamang umuupa ang Christian group sa gusaling pagmamay-ari ng isang Maico Kanahashi.
Dahil sa insidente, nagsikip ang trapiko sa lugar dahil sa dami ng mga fire truck na rumesponde.
Inaalam pa ng awtoridad ang sanhi ng sunog.
The post Nigerian sugatan sa nasunog na simbahan appeared first on Remate.