ISA sa tatlong hinihinalang holdaper ang napatay ng mga pulis sa engkuwentro matapos nakapambiktima sa isang pampasaherong jeep sa Sta. Cruz Manila.
Dahil sa tama ng bala sa dibdib at binti, hindi na umabot ng buhay sa Jose Reyes Memorial Medical Center si Rex Tan, 27, ng Remigio st., Sta. Cruz.
Batay sa ulat ni Det. Glenzor Vallejo, may hawak ng kaso, dakong 2:30 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa panulukan ng Lope de Vega at Teodora Alonzo Sts., sakop ng Sta.Cruz, habang nagpapatrolya sina PO1 Robert Dulay at PO3 Jennifer Manguerra.
Sa report, humingi ng tulong ang mga nabiktima sa pulisya at itinuro na sumakay ang mga suspek sa isang tricycle.
Nang huminto ang tricycle na gamit ng mga suspek. Nagpanakbuhan ang mga suspek. Iniumang umano ng isa sa mga suspek ang baril, kaya pinagbabaril ito ni PO1 Dulay.
Tinangka pang isugod sa ospital ang suspek subalit nalagutan din ito ng hininga. Narekober sa suspek ang isang bag at cash.
Samantala, nakatakas naman ang dalawa pang kasamahan ni Tan, at patuloy ang follow-up operation ng pulisya laban sa mga ito.