WALA nang buhay nang matagpuan ang isang bading sa loob ng kanyang tinuluyang motel sa Sta.Cruz, Manila, kagabi, hinalang inatake sa puso habang nakikipagtalik sa kanyang kasamang lalaki.
Kinilala ang biktima na si Edgar Sanchez, 47, ng 2157 Leveriza St., Malate, Manila, walang nakitang anumang sugat o palatandaan na sinaktan ito.
Batay sa ulat na isinumite ni Det. Julieto Malindog, kay P/Insp. Steve Casimiro, hepe ng Manila Police District MPD-Crime Against Persons Investigation (homicide) section, dakong 8:15 ng gabi nang madiskubreng patay ang biktima sa loob ng Room 304 sa Spring Hotel sa 858 Rizal Avenue sakop ng Sta Cruz.
Sa ulat, bandang 6:00 ng gabi nang mag-check-in ang biktima kasama ang isang lalaki.
Dakong 8:15 ng gabi nang mapansin ng motel personnel na nagmamadaling lumabas sa kuwarto ang kasamang lalaki ng biktima kaya pinigil nila ito.
Habang nagsasagawa ng routine call ang mga roomboy sa kuwarto ng biktima ay hindi nila napansin na nakapuslit na palabas ang ‘di nakilalang lalaki.
Nang mabuksan ang kuwarto, tumambad sa kanila ang biktima na nakadapa sa kama, nakasuot ng brief, at polo shirt at wala nang buhay.
Nakuha sa biktima ang kanyang pitaka na may laman na P600 at ATM card.