SABOG ang ulo ng isang biyuda nang barilin ng isa sa dalawang hindi nakikilalang armadong kalalakihan sa Quezon City, nitong nakaraang Linggo, Hunyo 8.
Nagtamo ng tama ng kalibre .45 sa panga at sa kanang sentido ang biktimang si Dolores Butcho, 57, ng Barangay Holy Spirit, Q.C. na binawian din ng buhay sa General Malvar Hospital (GMH).
Tumakas naman agad ang suspek na sakay ng isang motorsiklo kasama ang kasabwat nito.
Sa imbestigasyon ni PO2 Rhic Pittong ng QCPD-Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), dakong 5 ng hapon nang maganap ang insidente sa bahay ng biktima sa Fort Magsaysay Street.
Bago ito, nanonood ang biktima ng telebisyon kasama ang isang babaeng kapitbahay nang biglang pumasok ang suspek.
Sa takot na madamay, napatakbo palabas ng bahay ang babaeng kapitbahay ng biktima hanggang sa makarinig na lang ito ng dalawang putok ng baril mula sa loob ng bahay ng kaibigan.
Narekober sa lugar ang isang basyo ng kalibre .45 na baril na ginamit sa biktima.
Inaalam pa ang motibo sa krimen.
The post Biyuda inutas sa loob ng bahay sa QC appeared first on Remate.