KRITIKAL ang isang lalaki nang pagsasaksakin ng kanyang kainuman matapos magkaroon ng pagtatalo kaninang hatinggabi, June 11, sa Malabon City.
Inoobserbahan sa Tondo Medical Center ang biktimang si Arnel Bañoc, 30, ng Blk. 11, Lot 12, Tarvel, Brgy. Tanza, Navotas City sanhi ng mga saksak sa iba’t ibang parte ng katawan.
Pinaghahanap naman ang suspek na nakilala lamang sa pangalang Temiong, ng Gervacio St., Hulong Duhat, Malabon City.
Ayon sa imbestigasyon ni Sp01 Jerry Dela Torre, alas-12:45 ng kaninang hatinggabi ng maganap ang insidente sa kalye Gervacio ng nasabing barangay.
Bago ito, nag-iinuman ang bikitma at ang suspek nang biglang lumabas ng bahay si Temiong para komprontahin ang isang grupo na nag-iingay sa labasan.
Tinangkang awatin ng biktima si Temiong ngunit sa hindi malamang dahilan ay siya ang pinagbalingan ng suspek na agad bumunot ng patalim saka pinagsasaksak ang una.
Dinala ang biktima sa ospital habang nakatakas ang suspek dala ang ginamit na patalim.
Patuloy naman ang pag-iimbestiga ng pulisya at inaalam ang tunay na motibo sa insidente.
The post Umawat na kelot tinarakan, kritikal appeared first on Remate.