TILA sinuwag ng toro ang isang kapinterong nagjo-jogging nang dumiretso sa kanya ang natanggal na gulong ng pampasaherong bus na tumatakbo sa Isabela kaninang madaling-araw, Hunyo 12.
Naitakbo pa sa pagamutan ang biktimang si Rico Tabije, 65, ng Magsaysay, Naguilian, Isabela pero hindi na umabot nang buhay sanhi ng kapansanan sa ulo at katawan.
Hinahanap na ngayon ng pulisya para panagutin sa krimen ang hindi nakikilalang drayber ng Everlasting bus line.
Sa ulat, naganap ang insidente alas-5 ng madaling-araw sa national highway ng Barangay Magsaysay, sa Naguillian, Isabela.
Bago ito, nagjo-jogging ang biktima sa lugar nang matanggalan ng hulihang gulong ang bus na minamaneho ng suspek.
Sa lakas ng pagkakakalas, mabilis na gumulong ng hanggang 50 metro ang gulong at tinumbok ang tumatakbong matanda.
Ang Everlasting Bus ay galing sa Metro Manila at patungong Cagayan nang mangyari ang insidente.
The post Lolo tigbak sa kumalas na gulong ng bus appeared first on Remate.