DUMULOG sa Korte Suprema ang ama ng testigo ng National Bureau of Investigation sa pagpatay kay Infanta, Pangasinan Mayor Ruperto Martinez.
Si Jaime Aquino, mamamahayag sa Pangasinan, ay naghain ng writ of amparo sa Korte Suprema laban sa National Bureau of Investigation at Department of Justice at Akap Bata.
Sa 13-pahinang petisyon, hiniling ni Aquino na magpalabas ang Kataas-taasang Hukuman ng writ of Amparo na mag-aatas sa mga respondent na dalhin ang kanilang menor de edad na anak sa korte at para pigilin ang mga respondent sa diumano’y paggamit sa kanyang anak bilang testigo sa kaso ni Martinez.
Umapela rin si Aquino na magpalabas ang korte ng temporary protection order habang nakabinbin pa ang paglutas sa inihain nilang petisyon, at atasan ang mga respondent na dalhin sa korte ang lahat ng mga dokumento at salaysay na nakuha mula sa kanyang anak.
Naniniwala si Aquino na sapilitang kinuha ng NBI ang kanyang anak para gawing state witness sa kaso.
Gayunman, hindi naman maipaliwanag ni Aquino kung paano at kailan dinukot ang kanyang anak na huli umano niyang nakita nuong Nobyembre ng nakalipas na taon.
Matatandaan na nitong nakalipas na linggo, naghain ang NBI ng kasong murder sa DOJ laban kina Pangasinan Governor Amado Espino Jr at Pangasinan Representative Jesus “Boyong” Celeste dahil sa parang na sila ang nagplano ng pagpatay kay Martinez nuong ika-15 ng Disyembre.
Si Martinez ay binaril sa labas ng kanyang bahay ng dalawang lalaking magkaangkas sa motorsiklo.
Isinampa ang reklamo makaraang lumutang ang 16-taong gulang na testigo na naruon sa pagpupulong nina Espino at Celeste nang mapag-usapan ang tungkol sa planong pagpatay kay Martinez.