PINALULUTAS agad ni Quezon City Mayor Herbert Bautista sa pulisya ang pagpatay sa race car driver na si Ferdinand “Enzo” Pastor, na pinagbabaril nitong Huwebes ng gabi ng isa sa dalawang riding in tandem sa kanto ng Congressional at Visayas Avenue.
Sa kanyang direktiba, hinikayat ni Bautista ang kapulisan ng lungsod na pag-igihan ang kanilang imbestigasyon para malaman agad ang motibo sa pagpatay kay Pastor, isang race car driver na nagbigay ng malaking karangalan sa bansa sa paglahok sa international racing circuit.
“Please update me on the motive and leads of the case,” pakiusap pa ni Bautista sa kapulisan.
Pinaimbestigahan na agad ni QCPD director P/C Supt. Richard Albano ang pagpatay kay Pastor at inatasan na si P/Supt. Ariel Capocao, hepe ng QCPD station 3 na mamuno sa imbestigasyon.
Ipinakuha na rin ni Albano ang closed-circuit camera recordings na nakalatag sa lugar ng pinanangyarihan para makilala ang mga salarin at kinalaunan ay mahubaran ang maskara ng nasa likod ng pagpatay kay Pastor, 32-anyos.
Sa pagsisisyasat, tatlong ulit na binaril si Pastor ng nag-iisang gunman nang huminto sa isang traffic light na nasa kanto ng Congressional at Visayas Avenue.
Sugatan din sa tagiliran ang helper mechanic ni Pastor na si Paolo Salazar. Ang dalawa ay nagmula sa Batangas at papuntang Clark, Pampanga nang maganap ang insidente.
Nauna rito, nanawagan si Bautista sa kapulisan na magkasa ng malawakang kampanya laban sa loose firearms upang masawata ang kriminalidad na ikinakasa ng akyat-bahay gang members, riding-in-tandem motorcyclists at hired killers.
The post Paglutas sa race car driver slay, pinabibilis appeared first on Remate.