KRITIKAL ang lagay ng tatlong katao matapos saksakin at barilin ng nakalabang grupo nang magkasagutan habang nag-iinuman, kaninang madaling-araw sa Malate, Maynila.
Inoobserbahan ngayon sa Ospital ng Maynila ang biktimang sina Richard de la Passion, 19, ng 2242 F. Munoz St., Malate, Maynila, Jonathan Adres, 22, ng 1162 Arellano St., Malate, Maynila at Eduardo Ferreras, 36, ng 1171 Arellano St., Malate, Maynila.
Sa imbestigasyon ni PO2 Joseph Mortillo, ng Manila Police District-Police Station 9, pasado ala-1 nang maganap ang insidente sa panulukan ng San Isidro at F. Munoz St., Malate, Maynila.
Nag-ugat umano ang “rumble” matapos magkasagutan ang biktimang si Passion at ang suspek na si Melvin Pilapil, alyas Bilog na taga-1225 Gonzalo St., Malate, Maynila habang nag-iinuman hanggang sa saksakin ng huli ang una.
Lalo pang naglabo-labo nang magpaputok na ng baril ang kasama ni Pilapil dahilan para tamaan ang mga biktimang sina Adres at Ferreras.
Nang makitang tinamaan ang mga biktima ay nagpulasan na ang mga suspek habang isinugod naman sa OSMA ang mga biktima ng kanilang mga kamag-anak na sumugod sa pinangyarihan ng kaguluhan.
Patuloy naman ang imbestigasyon sa motibo nang kaguluhan habang pinaghahanap ang mga suspek.
The post 3 kritikal sa rambulan sa Malate appeared first on Remate.