IPINAKUKUMPISKA na nina Tayug Mayor Tyrone Agabas at Sta. Maria Mayor Teodoro Ramos ang lahat ng panindang itlog na maalat sa kanilang public market kasunod sa pagkalason ng 38 katao dahil sa kinain nilang itlog-maalat.
Ayon kay Dr. Alfredo Sy, chief of hospital ng Eastern Pangasinan District Hospital, tinungo nila ang main source ng itlog maalat sa nasabing mga lugar at pinagsabihan din ang main distributor na huwag munang ibenta ang mga paninda.
Karamihan sa mga pasyenteng dinala sa ospital ay nakakain ng biniling itlog maalat sa iba’t ibang tindahan at palengke at pare-parehong dumaing ng pananakit ng tiyan, diarrhea at pagsusuka.
Pansamantala na ring pinahinto ang pagbebenta ng itlog maalat sa mga tindahan doon habang pinapasuri ang mga nakuhang sample sa DOH Regional Office.
Aalamin din kung kontaminado ang ininom na tubig ng mga biktima.
Sa ngayon ay nakauwi na sa kanilang tahanan ang karamihan sa mga biktima habang lima na lamang ang naiwan sa ospital.
The post Pagbebenta ng itlog na maalat sa Pangasinan ipinahihinto appeared first on Remate.