PATAY sa pamamaril ang tatlong katao kabilang ang isang mag-ina nang mag-amok ang dating miyembro ng bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) sa South Cotabato nitong Martes ng gabi, Hunyo 17.
Dead-on-the-spot sanhi ng mga tama ng garand rifle sa iba’t ibang parte ng katawan ang mag-inang hindi nakuha ang pangalan at isang Alvin Simili.
Sugatan naman at isinugod sa South Cotabato Provincial Hospital ang isang Johnny Zapanta.
Hinahanting na ng pulisya para panagutin sa krimen ang suspek na si Jerry Piang, dating bandido at mister at tatay ng mag-inang napatay .
Sa ulat, naganap ang insidente alas-10:00 kagabi sa magkahiwalay na lugar sa bayan ng Tboli, South Cotabato.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, bigla na lamang pumasok ang suspek sa bunkhouse ng mga trabahador ng kompanyang Sumifru na nasa Barangay Datal D’lanag, Tboli, South Cotabato.
Hinahanap ng suspek ang kanyang misis na paniniwalaang may ibang karelasyon ngunit nang hindi mahanap ay binaril ang natutulog na si Sumili na tinamaan sa dibdib at namatay.
Hindi pa nakuntento, pinasadahan din ng suspek ang isa pang natutulog na si Michael Abas at ang mga guwardiya ngunit hindi tinamaan at nakatakas.
Nang hindi pa rin mahagilap ang mag-ina, umuwi na lamang ang suspek sa kanilang bahay at doon nadatnan ang kanyang mag-ina na walang awang pinagbabaril bago tumakas.
The post Misis, anak, 1 pa tinigbak ng nag-amok na ASG appeared first on Remate.