UMABOT na sa 133,000 ang nahuling lumabag sa anti-jaywalking campaign sa Kamaynilaan.
Ayon kay MMDA Chairman Francis Tolentino malaki na aniyang bilang ito kung maituturing kung saan mataas ang potensyal na masagasaan ang mga ito.
“Kahit buwis-buhay na nga kung sabihin, talagang natawid po ang marami sa ating mga kababayan, dito po sa Balintawak Market, maging sa Roxas Boulevard, kahit may footbridge po, napakalaking sakit ng ulo po ito,” ani Tolentino.
Bukod sa mga nabanggit na kalsada, malaki na rin ang bilang ng mga jaywalker at aksidente sa C-5, EDSA, at Commonwealth Avenue.
Hinala ng pinuno ng MMDA, nais ng mga mananawid ng “shortcut” kaya ito sumusuong sa iligal na mga tawiran.
Malalim na problema ito, ngunit disiplina anya ang kailangan dito.
Hinimok pa nito ang mga motorista na magbigay ng kortesiya sa mga tumatawid, kahit na nasa maling lane pa.
Aminado man si Tolentino na hindi lahat ng kalsada ay mababantayan ng MMDA laban sa mga jaywalker, tiniyak naman nitong hindi ito nagkukulang sa pagpapaalala.
Sa kabuuang 5,035 kilometro na kalsada sa Metro Manila na pwedeng tawiran ng mga pasaway na mananawid, mayroon anyang engineering barriers, footbridges at lanes, sa mga kalsada bukod pa sa pagkakaroon ng enforcers at signages.
Kabilang sa mga pagbabagong isinagawa ang gawing zigzag na ang mga pedestrian lanes sa mga eskwelahan para mas maging kapansin-pansin.
Samantala, ipasisilip naman ni Tolentino ang ulat ng pangongotong ng ilang miyembro ng anti-jaywalking team.
Mula noong Setyembre 2013, nasa 46 miyembro na ang natanggal na sa kanilang hanay na lumabag sa kanilang panuntunan kabilang ang pangongotong at iba pang direktiba.
The post 133,000 huli sa anti-jaywalking campaign ng MMDA appeared first on Remate.