PATAY ang lider ng isang grupo ng transportasyon nang barilin nang malapitan sa ulo ng isa sa armadong “riding in tandem” nang pumasok sa loob ng canteen ng kanilang kooperatiba ang nauna kaninang umaga sa Parañaque city.
Dead on the spot ang biktimang si Edito Ruaya, 56, Chairman of the Board ng NAIA Transport Service Cooperative at residente ng 1-B Sampalos St., Pildera 2 Pasay City sanhi ng tama ng bala sa kanyang kanang sentido.
Inaalam naman ng pulisya ang pagkakakilanlan ng dalawang suspect na agad tumakas bitbit ang ginamot na baril sakay ng isang motorsiklong hindi naplakahan.
Batay sa tinanggap na ulat ni Parañaque police chief Senior Supt. Billy Beltran, nangyari ang insidente ng pamamaril dakong alas-6 ng umaga sa canteen ng NAIA Transport Cooperative sa 8115 Dr. A. Santos Avenue, Barangay San Dionisio.
Sa pahayag ng testigong si Alexis Perete, 20, gasoline boy at stay-in sa compound ng naturang kooperatiba kina SPO1 Rudy Dimson at PO3 Joel Romantico ng Investigation Section ng Parañaque police, napansin na niya ang dalawang hindi kilalang lalaki na nakatayo malapit sa isang motorsiklo na nakaparada ng may ilang metro mula sa entrance gate.
Nakita ng testigo na sinundan ng isa sa dalawang lalaki si Ruaya habang patungo sa canteen ng kooperatiba at ilang saglit lamang ay nakarinig na siya ng putok ng baril at dito na niya nakita na duguan ng nakahandusay ang biktima.
Nakuha sa lugar na pinangyarihan ng krimen ang isang depormadong slug ng kalibre .45 na posibleng ginamit ng salarin.
Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa pamamaslang habang iniutos na ni Beltran ang paghahanap sa mga suspek na tumakas.