PINANGUNAHAN ng tinaguriang “Big Three” oil companies ang pagpapatupad muli ng taas presyo sa ika-apat na sunod na linggo sa kanilang presyo ng mga produktong petrolyo kaninang umaga.
Magkakasabay na nagtaas kaninang alas-6 ng umaga ng regular gasoline ang Petron Corporation, Pilipinas Shell at Chevron sa presyong P1.15 kad litro habang P0.95 kada litro naman ang premium at unleaded gasoline, P0.65 kada litro ng diesel at P0.70 kada litro naman sa kerosene.
Kaagad ding sumunod sa pagtataas sa kahalintulad ding halaga ang Total Philippines, Eastern Petroleum, Unioil, Ptt at Seaoil na epektibo rin dakong alas-6 ng umaga.
Sa paliwanag naman ni Raffy Ledesma, strategic communications manager ng Petron Philippines, ang pagsirit muli ng presyo ng mga produktong petrolyo ay bunsod ng pagtaas ng halaga ng langis sa pandaigdigang pamilihan.
Matatandaan na noong Enero 29 ay nagsimulang tumaas ng halaga ang mga produktong petrolyo matapos ang tatlong sunod ding pagpapatupad ng dagdag-bawas ng presyo kada litro ng gasoline at diesel.
Sa kabuuan, mula noong Enero 29 ay halos mahigit sa P4 na ang itinaas ng halaga ng regular gasoline, premium at unleaded gasoline.