NILALAPATAN na ng lunas ang tatlong katao makaraang magtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan sa banggaan ng apat na sasakyan sa Bgy. Guerero, Bauang, La Union.
Kinilala ng Bauang Municipal Police Station ang mga biktimang sina Irene Llaneras, 19, Rey dela Cruz, 17, at isang nakilala lamang sa pangalang Haydee na pawang mga residente sa nasabing lugar at nakasakay sa isang tricycle.
Habang ang iba pang mga sasakyan sa nasabing banggaan ay kinabibilangan ng isang truck na minamaneho ni Jason Balanag, 35, taga-Apayao; kotse na minamaneho naman ni Perpedo Ong, 36, taga-Pangasinan at isa pang sporty wagon.
Base sa inisyal na imbestigasyon, binabagtas ng kotse ni Ong ang naturang kalsada nang biglang huminto dahilan upang bumangga naman sa likuran nito ang truck ni Balanag.
Sumunod namang bumangga sa naunang dalawang sasakyan ang nabanggit na sporty wagon at ang tricycle.
Dahil dito, nagtamo ng pasa at sugat sa kanilang katawan ang driver at mga pasahero ng tricycle na agad namang itinakbo sa pagamutan.
The post 4 sasakyan nagkarambola, 3 sugatan appeared first on Remate.