PUTOK ang ulo ng isang miyembro ng demolition team nang naging marahas ang demolisyon sa 50 kabahayan ng informal settlers sa Quezon City kaninang umaga, Hunyo 25.
Isinugod sa East Avenue Medical Center (EAMC) sanhi ng tama ng bote sa ulo ang biktima na hindi nakuha ang pangalan.
Sa ulat, naganap ang insidente dakong 8:25 ng umaga sa gilid ng creek sa may K-9th Street, Barangay West Kamias, Q.C.
Bago ito, dumating ang may 25 hanggang 30 miyembro ng demolition team para gibain ang may 50 kabahayan na iligal na nakatirik sa naturang Lugar. May hawak umanong demolition order sa korte ang nasabing demolition team.
Pero nang pasukin na ng mga demolition team ang mga kabahayan, initsahan sila ng mga bote ng softdrinks at bato ng mga residente.
Nabali naman ang truncheon ng isang miyembro ng demolition team nang ipansangga niya ito sa sarili para hindi matamaan.
Sa inilatag na mga pagbaklas, natagpuan ang isang airgun sa isa sa mga kabahayan.
Ayon naman kay Nelia Cuntapay, tumatayong lider ng mga residente, napilitan nilang pagbabatuhin ang mga miyembro ng demolition team dahil ito ay kwestyonable sapagkat walang ipinakita sa kanilang court order ang mismong court sheriff na naghain ng demoliton order.
Ayon sa QC government, isang P7.9 milyong road project ang itatayo sa lugar.
The post Demolisyon sa QC nagkabatuhan, 1 sugatan appeared first on Remate.