TINUTUGIS na ng mga awtoridad ang nasa likod ng pagkamatay at pagkakasugat ng apat na estudyante ng De La Salle – College of St. Benilde (DLS-CSB) noong Sabado ng gabi.
Kasalukuyan nang nakaburol ang biktimang si Guillo Cesar Servando, 18, 2nd year student sa kursong Hotel and Restaurant Management (HRM) sa naturang eskuwelahan.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Manila Police District-Homicide Section, pinaniniwalaang biktima ng hazing si Servando at tatlo pa nitong kasamahang estudyante na sugatan at kasalukuyan pa ring ginagamot sa Philippine General Hospital (PGH) sanhi ng mga tama ng bugbog at pasa sa kanilang puwetan at likod.
Sabado ng alas-9:30 ng gabi nang umuwi ang apat sa Unit 2907 ng One Archers Place sa Taft Avenue na pasuray-suray na inakala naman ng guwardiya na mga lasing lamang.
Ganap na alas-11 ng gabi naman nang may rumesponde nang rescue team mula sa Philippine Red Cross (PRC) kung saan napag-alamang patay na si Servando bagama’t isinugod pa ang apat sa naturang ospital kung saan nakaratay ngayon ang iba pa.
Inaalam na ng pulisya kung sino-sino ang nasa likod ng nasabing insidente kung saan nakatakdang imbitahan ang ilang mga miyembro ng samahang Alpha Kappa Rho (AKRHO) na sinalihan ng mga biktima.
Samantala, bumisita naman si Vice President Jejomar Binay sa burol ni Servando sa De La Salle Greenhills at tiniyak nitong may mananagot sa insidente.
The post May kagagawan sa pagkamatay ng La Salle student tinutugis na appeared first on Remate.