KINATAY ng hindi nakikilalang kawatan ang isang retiradong titser sa Nabua, Camarines Sur kagabi, Huwebes.
Kaninang umaga lamang, Hulyo 4, nadiskubre ang bangkay ng biktimang si Vilia Abaca, 67, nang magpunta ang manugang nitong si Marjorie Lorenzo Abaca para bisitahin ang kanyang biyenan.
Blangko naman ang Nabua PNP, sa kung sino ang salarin pero tiniyak naman na pagnanakaw ang motibo sa krimen dahil may mga nawawalang gamit ang biktima.
Sa ulat, tinatayang naganap ang pagpatay sa pagitan ng alas-7 hanggang 9 kagabi sa bahay ng biktima sa Baluyon Proper sa Nabua, Camarines Sur. Ibinase ito ng pulisya dahil nang madiskubre ang katawan ng biktima ay may katigasan na ito.
Sa imbestigasyon ng pulisya, bago ang pagkakatagpo sa bangkay ay may nakita ang mga kapitbahay ng biktima na kumakatok na hindi nakikilalang lalaki sa bahay nito.
Sa pagaakalang kamag-anak o kaibigan naman, hindi na lamang nila ito pinansin.
Pero nang bigla nilang marinig ang pag-iyak ng 5-anyos na apo ng biktima, napasugod sila sa bahay at nakitang naliligo sa sariling dugo ang biktima.
The post Ex-titser, ginilitan saka ninakawan appeared first on Remate.