HAWAK na ngayon ng National Bureau of Investigation (NBI) ang apat sa tinuturing na testigo sa pagkamatay ng hazing student ng De La Salle College of St. Benilde.
Ang apat na pawang hindi pa pinangalanan ng NBI ay naghahanda na ng kanilang affidavit hinggil sa nangyaring initiation rites ng Tau Gamma Phi fraternity noong June 28,na ikinamatay ng biktimang si Guillo Cesar Servando, HRM sophomore student ng naturang kolehiyo.
Bukod kay Servando, tatlo pang kasamahan nito ang sugatan at dinala sa Philippine General Hospital (PGH) dahil sa tinamong mga pasa sa katawan.
Napag-alaman na sinisiyasat na rin ng ahensya kung nakalabas ng bansa ang ilan pang mga sangkot sa hazing.
Kaugnay nito, nanawagan naman si Ginoong Aurelio Servando, ama ng biktima, sa mga magulang ng iba pang suspek na isuko na lamang ang kanilang mga anak.
“I-surrender niyo na ang anak niyo at malapit na silang mahuli kung i-surrender niyo baka sakaling mabigyan pa sila ng mas mababang sentensya or baka magamit pa sila bilang state witness sa kaso na ito,” pahayag ni Ginoong Servando.
Ayon sa report, inaasahang ngayong linggo ay susuko na rin ang iba pang suspek sa hazing matapos magpadala ng feelers sa awtoridad ang kanilang mga kamag-anak.
The post 4 na Servando hazing witness, hawak na ng NBI appeared first on Remate.