PINAGHAHANAP pa rin sa kasalukuyan ang isang mangingisda na tumalon sa dagat matapos pagbabarilin ng armadong grupo ang kanilang fishing vessel habang nangingisda sa karagatang bahagi ng Isla ng Mapun sa lalawigan ng Tawi-Tawi.
Sa naturang pamamaril, patay ang nagsisilbing boat captain habang masuwerte namang nakaligtas ang siyam na iba pang crewmen na napag-alamang nagmula pa sa Palawan.
Batay sa impormasyon mula sa mga nakaligtas sa naturang atake, bigla silang nilapitan ng mga armadong lalaki na nakasakay sa speedboat at pinagbabaril.
Sa takot na tamaan, tumalon umano sa dagat ang isa nilang kasamahan.
Nang humupa na ang pamamaril at lumayo na ang mga suspek, sinubukan umano nilang hanapin ang tumalon nilang kasamahan subalit nabigo sila na marekober ito.
Wala pang pahayag ang PNP at militar tungkol sa panibagong pag-atake ng armadong grupo sa karagatan.
Samantala, kanina, bumalik na sa Palawan ang mga mangingisda dala na rin ang bangkay ng kanilang kasamahan.
The post Pamamaril sa Tawi-Tawi, mangingisda patay, 1 pa nawawala appeared first on Remate.