INIREREKLAMO ng mga residente sa isang barangay sa bayan ng Sual sa Pangasinan ang isang poultry farm na pagmamay-ari ng isang doktor dahil sa pinagmumulan ito ng napakaraming langaw.
Ayon kay Caoayan Punong Barangay Juanito Tumagoy, Jr., matagal na silang nagtitiis sa dami ng langaw na napupunta sa kanilang mga kabahayan na nagmumula sa nasabing manukan.
Dahil sa dami ng langaw, halos hindi na sila makakilos ng maayos. Kinakailangan na rin nilang gumamit ng kulambo tuwing kakain upang hindi dapuan ng langaw ang kanilang pagkain.
Napag-alamang isang bata na rin ang nagkasakit dala ng maraming langaw maliban pa sa ilang residente na ang nagkakaroon ng sugat sa balat dala ng mga peste.
Nangako naman ang may-ari ng manukan na tutulong sa mga apektadong residente, bagama’t posibleng ipasara ito kung patuloy pa rin ang pagdami ng mga langaw sa lugar.
Maliban sa barangay Caoayan, tatlo pang kalapit na barangay ang apektado na kinabibilangan ng Paitan West, Capantolan at Baybay Sur.
The post Residente sa Pangasinan, pineste ng langaw appeared first on Remate.