NATUPOK ng apoy ang tinatayang aabot sa P.5-milyon halaga ari-arian matapos masunog ang isang residential-commercial building kaninang madaling-araw sa Rizal Avenue, Maynila.
Ayon kay SFO1 Rey Marcelino ng Manila Fire Bureau, ala-1:38 ng madaling-araw nang magsimula ang sunog sa mga tindahan ng medical supplies sa unang palapag sa naturang lugar.
Mabilis umanong natupok ang mga kemikal at iba pang medical supplies na nakaimbak sa mezzanine floor ng gusali na pag-aari ng Scientific Product Company (SPC) at sa kabilang panig naman ay sa Asian Medical Distributors, Inc.
Alas-2:08 ng madaling-araw naman ng ideklarang fireout ang sunog na umabot sa ikalawang alarma.
Isang fire volunteer naman ang kinailangang bigyan ng oxygen matapos mahirapang huminga dahil sa nalanghap na kemikal sa loob ng nasunog na tindahan.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng Arson Division kaugnay sa sanhi ng sunog. Jocelyn Tabangcura-Domenden