PINATIMBUWANG ng kilabot na motorcyle-in-tandem na hinihinalang mga hired killers ang police chief ng Western Samar town province kaninang madaling-araw sa Tacloban City.
Dead-on-arrival sa pagamutan sanhi ng apat na tama ng bala na .9mm pistol sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktimang si Police Senior Inspector Lucino Lopido, hepe ng Paranas PNP sa Western Samar.
Wala pang ideya ang Tacloban City Police Office (TCPO) kung sino ang nasa likod ng krimen pero isa sa mga sinisilip na motibo ang pagiging pulis ng biktima.
Sa ulat, naganap ang insidente bandang alas-12:45 ng madaling-araw sa tapat ng isang videoke bar sa Gomez St., Tacloban City.
Bago ito, nabatid na may kainuman ang biktima sa nasabing videoke bar na lumabas para magpahangin.
Lingid sa kanyang kaalaman ay may mga kriminal nang ilang minutong nagmamatyag at naghihintay sa kanyang paglabas sa establisyimiento.
Nang makita na ang target, agad kumilos ang mga suspek at agad niratrat ang biktima na hindi na nakapanlaban pa.
Nakuha sa crime scene ang mga basyo ng bala at motorsiklong ginamit ng mga suspek sa lugar. Robert C. Ticzon