PINALIKAS na ang 45 pamilya o 225 na mga indibidwal makaraang madiskubre ang 40 ft. na sinkhole sa Cebu.
Dahil dito, nagsagawa na ngayon nang inspeksyon ang grupo ng Mines and Geosciences ng Department of Environment and Resources (DENR-7) at Provincial Disaster Risk Reduction Management (Office-7) para i-monitor ang nadiskubring “sinkhole” sa may Sitio Dapdap, Barangay Langub, Santa Fe, Cebu.
Ayon kay Santa Fe Mayor Jose Esgana, agad nilang pinalikas ang nasabing pamilya, na nasa 300-500 metro ang layo mula sa “sinkhole” upang maiwasan ang anumang idudulot na sakuna.
Sa ngayon, nagbigay na ang Local Government Unit (LGU) ng mga relief goods sa mga apektadong pamilya.
Napag-alaman na temporaryong nanunuluyan ang ilan sa simbahan at ang iba naman ay sa kani-kanilang mga kamag-anak.
Nabatid mula kay Provincial Disaster Risk Reduction Management Office-7 Operation Manager Dennis Chong, lumabas na ang nasabing “sinkhole” ay may lalim na 40 feet at malapit ito sa baybayin ng Santa Fe.
Dagdag pa ni Chong, mas mahigpit ang kanilang isinagawang monitoring bunsod sa patuloy na pag-ulan na posibleng magresulta sa mga pagbaha, pagguho ng lupa at pagkakaroon ng “sinkhole”.
Binalaan din ang publiko na maging mapagmatyag sa kanilang paligid para makaiwas sa sakuna.
Inihayag din ng Mines and Geoscience DENR-7 na isa ang Cebu na isinailalim sa monitoring sapagkat kadalasan sa lupa ay galing sa limestone na posibling makabuo ng sinkhole. Johnny F. Arasga