SUGATAN ang isang 35-anyos na lalaki nang tamaan ng ligaw na bala habang nakikipagkasiyahan sa birthday party ng kaibigan sa Tondo, Maynila kagabi.
Ginagamot ngayon sa Mary Jhonston Hospital ang biktimang si Jun Bayani, ng 7 Orchida St., Happy Land, Tondo, Maynila sanhi ng tama ng bala sa kaliwang hita. Inaalam naman ng pulisya ang pagkakakilanlan sa suspek na tumakas matapos ang insidente.
Sa report ni Supt. Jackson Tuliao, Hepe ng Manila Police District (MPD)-Station 2, dakong 11:00 ng gabi nang naganap ang insidente sa isang birthday party sa bahay ng isang Leonardo Escada sa Road 10, Mabuhay St., Tondo.
Nauna dito, nag-iinuman ang biktima kasama ang ilang kasamahan sa trabaho sa bahay ni Escada kung saan nagdiriwang ng kanyang kaarawan nang nakarinig sila ng putok ng bala ng baril.
Nang akmang tatayo ang biktima ay dito napansin na may umaagos na dugo sa kanyang kaliwang hita sanhi ng tama ng bala dahilan upang isugod sa ospital.
Inaalam na ng pulisya kung saan nagmula at kung sino ang nagpaputok ng baril. Jocelyn Tabangcura-Domenden