ARESTADO ang isang hinihinalang big time illegal recruiter sa isinagawang entrapment operation ng mga pulis sa San Quintin, Pangasinan, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni Sr. Inspector Joel Custodio, head ng Urdaneta City Criminal Investigation and Detection Group (GIDG), ang suspek na si Evangeline Marahas, ng Lupao, Nueva Ecija.
Ayon kay Custodio, bago nagkaroon ng operasyon, nakatanggap ang kanyang tanggapan hinggil sa illegal activities ng suspek na umano’y kumukuha ng mga aplikante patungong abroad partikular na sa Korea.
Matapos makumpirma ang iligal na gawain ni Marahas, agad na bumuo ng raiding team si Custodio upang magsagawa ng entrapment operations.
Isang undercover ng CIDG Urdaneta City ang kunwari’y aplikante patungong abroad.
Sa operasyon, agad na pinosasan ang suspek matapos tanggapin nito ang perang ginamit ng undercover bilang bayad sa kanyang aplikasyon.
Sa San Quintin police station, agad na lumutang ang walong nabiktima ni Marahas at positibong itinuro ag suspek na nangolekta ng pera at pinangakuan silang makapagtatrabaho sa Korea.
Mula kahapon, patuloy ang pagdating ng mga iba pang complainant na nabiktima ng suspek.
Inihahanda na ang kasong large scale illegal recruitment laban sa kay Marahas.