INILAGAY sa yellow alert ang La Mesa Dam matapos bahagyang tumaas ang lebel ng tubig dahil sa walang tigil na pag-ulan sa Metro Manila simula pa kagabi.
Ayon kay La Mesa Dam Manager Engineer Teddy Angeles, mula aniya sa normal na level na 79.3 meters (m) ay tumaas sa 79.6 m ang antas ng tubig sa dam hanggang kaninang alas-10:00 ng umaga.
Malayo pa naman aniya sa spilling level na 80.15 m, ang kondisyon ng dam pero inabisuhan na rin ang mga local government unit (LGU) ang mga residente na malapit sa Tullahan River.
Gayunman, sinabi ni Angeles na posible ring bumaba na ang lebel ng tubig sa dam kung hihinto na ang ulan sa mga susunod na oras.