NAGPASAKLOLO na sa tanggapan ng Manila Police District-General Assignment and Investigation Section (MPD-GAIS) ang mga magulang ng 3-anyos na lalaki matapos kidnapin ng kanyang bading na yaya sa Maynila.
Sa reklamo nina Jayson Jervoso, 30; at Jessel Lazarna, 28, kapwa ng 1222 BF Munoz St., San Andres, Maynila kay PO3 Adonis Aguila, alas-2:45 kahapon nang sabay mawala ang kanyang anak na si Miguel at yayang bading na si Esmeraldo Operario, taga-2166 Calvin St., Singalong, Maynila.
Ayon sa mag-asawa, si Operario ay dalawang buwan pa lamang na nagtatrabaho sa kanila bilang yaya ng kanilang anak.
Kahapon, bigla na lamang naglaho ang mag-yaya at hinanap na rin kung saan-saan subalit hindi nila makita ang mga ito dahilan upang humingi ng tulong sa pulisya.
Nabatid na kasama ring tinangay ng suspek ang cellphone at Ipod ni Jervoso.
Ayon pa kay Jervoso, tinanggap nilang mamasukan sa kanila at mag-alaga sa kanilang anak ang suspek dahil nabaitan sila rito.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa reklamo ng mag-asawa. Jocelyn Tabangcura-Domenden