TIGBAK ang isang negosyante habang isa pang bata ang sugatan makaraang pagbabarilin ng hindi kilalang salarin sa harap ng kanyang lugawan sa Commonwealth Avenue, Quezon City kagabi Agosto 1, Biyernes.
Kinilala ang nasawi na si Emerson Yap, 37, may-asawa, ng 582 Riverside Unit 3, Brgy. Commonwealth, QC.
Namatay ang biktima habang ginagamot sa FEU hospital dahil sa tinamong tama ng bala ng baril sa ulo at tiyan.
Nasugatan naman si Jay Marcus Policarpio, 10, elementary pupil ng 1286 Riverside St., Commonwealth, QC.
Ayon kay SPO1 Alejandro Camacho ng Quezon City Police District station 6 -Batasan, naganap ang insidente sa harap ng puwesto ng biktima sa Lee Hoi Yee Lugawan sa 982 Riverside St., Unit 3, Commonwealth, QC dakong 11:35 kagabi.
Nakatayo umano sa harap ng kanyang lugawan ang biktima nang biglang dumating ang isang suspek na tinatayang 25 – 30-anyos, 5’6 hanggang 5’8 ang taas, naka t-shirt na puti at maong pants at armado ng baril saka pinagbabaril ang biktima.
Dahil dito, nadamay din ang isang bata na ginagamot sa East Avenue Medical Center (EAMC).
Mabilis namang tumakas ang suspek matapos ang krimen. Santi Celario