HALOS $420,000 o mahigit P17-million ang nakuha sa isang turistang Koreano habang naka-check-in sa isang hotel sa Station 2, Barangay Balabag sa isla ng Boracay.
Personal na dumulog sa Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) ang biktimang si Chi Youn Cho, 34, ng Seoul, South Korea at pansamantalang nanunuluyan sa isang hotel sa isla.
Sinabi ng biktima na lumabas sila ng kanyang kasama upang kumain ngunit pagbalik nila sa kanilang kwarto ay napansin nilang bukas na ang safety box na pinaglagyan ng naturang halaga.
Naniniwala ang biktima na binantayan ang kanilang paglabas at saka pinasok ang kwarto ng hindi pa nakikilalang mga suspek.
Kasalukuyang iniimbestigahan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang insidente.
Nakikipagtulungan din ang pamunuan ng hotel sa mga awtoridad upang agad na mahuli ang mga suspek. Marjorie Dacoro