NASA ligtas nang kalagayan ang 11 pulis na sakay sa patrol car ng Public Safety Company ng Capiz Police Provincial Office (CPPO) matapos masuwag ng isang SUV sa Buhang, Jaro, Iloilo City.
Patungo sa Police Regional Office 6 (PRO6) headquarters sa Camp Martin Delgado ang mga pulis para sa physical fitness test (PFT).
Ayon sa driver na si PO1 Stephen Tubal, binabagtas nila ang kahabaan ng highway nang mag-u-turn ang kanilang sinusundang sasakyan kaya nabangga.
Wala namang malubhang nasugatan kung saan pawang mga out-patient na rin ang mga pulis na sakay ng patrol car maliban lamang sa dalawa na sina PO1 Juanito Aranda at PO1 Jomar Juntada na nasa West Visayas State University Medical Center ngunit nasa ligtas na ring kalagayan.
Ligtas na rin ang driver ng nabanggang sasakyan na isang retiradong pulis rin na kinilalang si Bionat Lanila. Marjorie Dacoro