DEDO ang isang miyembro ng demolition team habang sugatan naman ang police officer matapos magkagulo sa nangyaring puwersahang pagpapaalis ng daan-daang residente sa Dacudao cmpd., Barangay Puntod, Cagayan de Oro.
Kinilala ang biktima na si Albert Acma, ng Pasil, Barangay Kauswagan.
Inihayag ni Supt. Aaron Mandia, hepe ng City Public Safety Battalion (CPSB), kinilala ang kanilang kasamahan na si PO1 Martonio Madijao, Jr. na tinamaan sa kaliwang tuhod ng bala mula sa hindi pa matukoy na uri ng baril.
Sinabi ni Mandia na nangyari ang pamamaril matapos tangkain ng demolition team na pasukin ang lugar para i-demolish ang mga nakatayong kabahayan.
Samantala, tiniyak naman sa pamilyang Dacudao na bibigyan nila ng kaukulang tulong ang mga miyembro ng demolition team na binawian ng buhay o kaya’y nasugatan sa kasagsagan ng demolisyon.
Sinabi ng legal counsel ng pamilya na si Atty. Aime Torrefranca-Neri na magsasampa rin sila ng kaukulang kaso laban sa mga residente na sumalungat sa kautusan ng korte.
Napag-alaman na naging pahirapan ang negosasyon sa 300 household owners dahil maging ang local government officials mula sa barangay at sangguniang panglungsod ay hindi magkasundo dahil sa bangayan sa politika. Marjorie Dacoro