MAHIGIT P.2 milyon cash at mga kagamitan ang tinangay ng dalawang armadong holdaper nang pasukin ang isang tattoo shop kung saan ay ikinulong pa nila sa isang silid ang may-ari at dalawang saleslady kahapon sa Pasay City.
Pumasok sa Cherry Bomb Tattoo Supplies Shop na nasa ikatlong palapag ng Mille Building sa Gil Puyat Avenue ang dalawang hindi pa nakikilalang suspek at nagpanggap munang mga kustomer dakong ala-1:40 bago nagdeklara ng holdap gamit ang dalang baril.
Ayon kay SPO2 Joel Landicho, imbestigador ng Station Investigation Section ng Pasay police, ikinulong sa isang silid ng mga suspek ang may-ari ng shop na si Aurora Batuigas, 34, pati na ang dalawa niyang saleslady at binantaan na papatayin kapag gumawa ng ingay.
Tinangay ng mga suspek ang P130,000 cash sa drawer ni Batuigas, pati na ang tattoo machine na nagkakahalaga ng P15,000, P25,000 halaga ng tattoo inks, laptop, cellphone at iba pang personal na gamit ng mga biktima bago tumakas palabas ng gusali ng hindi napuna ng nakatalagang security guard.
Iniutos naman ni Pasay City police chief Senior Supt. Rodolfo Llorca sa mga tauhan na makipag-ugnayan sa may-ari ng gusali upang masilip kung nahagip ng kanilang close circuit television (CCTV) camera ang paglabas at pagpasok ng mga suspek sa gusali.