KALABOSO ang isang 22-anyos na holdaper nang maaresto ito sa isinagawang follow-up operation ng mga tauhan ng Pasay City Police makaraang ireklamo ng tatlong magkakaibigan ba biniktima nito habang nag-aabang ng masasakyan kahapon ng madaling-araw sa nasabing lungsod.
Nahaharap sa kasong robbery hold-up at illegal possession of deadly weapons sa Pasay City Prosecutor’s Office ang suspek na si Ruel Abella, walang trabaho, ng 18 Ilang-Ilang St., Brgy. 184, Maricaban, Pasay City.
Batay sa ulat ng pulisya, alas-5:30 ng umaga nang maganap ang panghoholdap sa mga biktimang sina Ronaldo Torcio, 26; Andrew Medinilla, 19; at Ferdinand Saldivar, pawang ng Gumamela St., Brgy. 184 Maricaban ng naturang lungsod, sa kahabaan ng Ilang-Ilang St.
Nauna rito, nag-aabang ng masasakyan ang magkakaibigan nang sumulpot ang suspek sa kanilang likuran na armado ng patalim at nagdeklara ng holdap.
Sa takot na masaktan, ibinigay ng mga biktima ang kanilang mga Cellphone, wallet at ATM card na halos nagkakahalaga lahat ng P15,000.
Agad na tumakas ang suspek matapos sabihing “Huwag na kayong lilingon kundi mamamatay kayo”.
Nang masigurong wala na ang suspek ay agad nagtungo sa himpilan ng pulisya ang mga biktima kung saan nagsagawa ang mga ito ng follow-up operation dahilan para maaresto si Abella.
Narekober sa bahay ng suspek ang kulay asul na bag pack ni Torcio na wala ng laman gayundin ang ginamit nitong patalim na pinaniniwalaang ginamit nito sa panghoholdap. Jay Reyes