LA TRINIDAD, BENGUET – Isang negosyante at security guard ang patay matapos pagbabarilin ng isang pulis sa harap ng bar sa Km. 6, La Trinidad, sa nasabing lalawigan kagabi, August 7.
Kinilala ng La Trinidad police ang mga biktima na sina Cesar Degay, negosyante, ng Poblacion at Sonny Casoang Awingan, 28, sekyu, ng Buyagan, La Trinidad, ng nasabing lalawigan.
Samantala, ang suspek ay nakilalang si PO3 Frenzel Mendoza, 29, naka-assign sa La Trinidad Municipal Police Station.
Sa imbestigasyon, may nangyayaring kaguluhan sa labas ng ng KTV bar na kinasasangkutan ni Mendoza.
Ayon sa pulis, lumabas si Degay upang tingnan kung ano ang nangyayari ngunit laking gulat ng mga saksi ng paputukan siya ng suspek sa katawan at ulo.
Agad namang rumesponde si Awingan ngunit pinagbabaril siya ni Mendoza sa dibdib.
Nakakuha ang Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng anim na basyo ng .9mm pistol sa pinangyarihan ng insidente.
Patakas na sana ang suspek nang habulin siya ng kapwa niya pulis saka hinuli.
Masusing iniimbestigahan kung ano ang motibo ng suspek sa pagpatay sa dalawang biktima. Allan Bergonia