ISA ang iniulat na namatay habang dalawa pang construction worker ang nasa kritikal na kondisyon makaraang bumigay ang pader sa kinakabitan ng tinutuntungan nilang scaffoldings sa isang construction site sa Quezon City kaninang umaga.
Nagsasagawa na ng retrieval operations ang mga tauhan ng Quezon City Department of Public Order and Safety (DPOS), Bureau of Fire Protection (BFP) at Philippine Red Cross para makuha sa gumuhong bahagi ng construction site ng limang palapag na itinatayong gusali ng Eduardo V, Manalo Convention Center sa kahabaan ng Central Avenue Brgy. Culiat, Quezon City.
Sa inisyal na ulat , pasado alas-10:30 ng mangyari ang insidente habang naglilinis sa basement ng gusali ang tatlong trabahador at biglang bumigay ang isang pitak ng kinakabitan ng scaffoldings na may mga nakapatong na semento at mga bakal na dumagan sa mga biktima na agad ding ikinamatay ng isa sa kanila.
Samantala sinabi ni Engr. Isagani Versoza, Chief City Building official na paiimbestigahan niya ang insidente upang alamin kung may nilabag ang construction engineers sa safety measures dahil may nakikita aniya siyang pagkukulang sa safety measures ng konstruksiyon.