SABAY na nagpatiwakal ang isang mag-ina sa loob ng kanilang tahanan sa Barangay Apolonio Samson, Quezon City kaninang madaling-araw Agosto 13.
Kinilala ang mga biktima na sina Arsenia Carabeo, 63, at anak nitong may kapansanan na si Joanne Carabeo, 35, ng 34 Oliveros Drive, Barangay Apolonio Samson, nasabing lungsod.
Sa ulat ng Quezon City Police District- Criminal Investigation and Detention Unit (QCPD-CIDU), naganap ang insidente alas-12:55 ng madaling-araw nitong nakalipas na Agosto 12, 2014 sa loob ng bahay ng mga biktima habang mahimbing na natutulog ang kanilang kasambahay sa parehong silid.
Sinabi sa ulat na kasamang natulog ng mga biktima sa kuwarto ang kasambahay na si Lydia Malaho, ngunit nagising ito nang makarinig ng ungol at agad bumangon saka nakita ang nag-aagaw buhay na si Arsenia habang hawak ang isang kutsilyo.
Dali-daling tumayo si Malaho upang humingi ng tulong nang bumungad naman sa kanya ang duguang si Joanne na nakahandusay sa sahig.
Agad na tinawagan ng kasambahay ang kaanak ng mga biktima at isinugod ang mga ito sa MCU Hospital subalit idineklarang dead on-arrival ang mag-ina ala-1:10 ng madaling-araw.
Sa inspeksyon na isinagawa ng mga pulis sa bahay ng mga biktima, narekober ang isang 12-pulgada ng kutsilyo at suicide note na ginawa at pirmado ng mag-ina.
Nagtamo ng isang tama ng saksak sa leeg si Arsenia habang tatlong tama ng saksak naman sa dibdib at isang saksak sa leeg ang ikinamatay ng anak nito.
Una nang nagtangkang magpakamatay ang mag-ina nitong nakalipas na Enero 1, 2014 ayon sa mga kaanak nito. Santi Celario