TIGBAK ang isang 39-anyos na lalaki makaraang pagbabarilin ng dalawang lalaking sakay ng motorsiklo habang nakatayo sa isang salon sa Quezon City kagabi, Agosto 25, Linggo.
Kinilala ang biktima na si Billy Dijamco, binata, may live-in partner, ng 289 Don Favian St., Brgy. Commonwealth, QC na nasawi noon din dahil sa tinamong mga tama ng bala sa katawan.
Ayon kay SPO1 Alejandro Camacho ng Quezon City Police District Station 6-Batasan, naganap ang insidente sa harap ng Fashion Hair Salon for Men and Women sa Block 4, Lot 8, Don Favian St., Commonwealth, QC dakong 10:30 kagabi.
Sinabi ni Camacho na nakatayo sa harap ng naturang salon ang biktima nang biglang dumating ang dalawang hindi kilalang suspek na tinatayang 35 – 40-anyos, naka-itim na jacket, puting helmet at kapwa armado sakay ng isang walang plakang scooter na motorsiklo na puti.
Bumababa umano ang mga suspek at saka pinagbabaril ang biktima na nasawi noon din.
Matapos ang pamamaril, agad tumakas ang mga suspek sakay ng naturang scooter. Santi Celario