DISMAYADO ang dalawang Japanese national matapos na holdapin ng riding in tandem habang naglalakad sa Malate, Maynila kaninang umaga.
Personal na dumulog sa tanggapan ng Manila Police District (MPD)-General Assignment Section (GAS) ang biktimang sina Torao Saihhosuke, 21, at Umomura Tadatoshi, 31, kapwa nanunuluyan sa City State Hotel sa kanto ng Mabini at Sales Sts. Ermita, Maynila.
Ayon sa mga biktima, ganap na alas 4:00 ng umaga habang naglalakad sila sa may Quirino Ave., sa tagiliran ng Ospital ng Maynila nang dikitan sila ng dalawang suspek na riding in tandem na kapwa nakasuot ng helmet at sapilitang inagaw sa kanila ang dalawang bag na naglalaman ng P10,000 at Samsung na cellphone.
Maging ang suot na Bulgary watch, kuwintas at bracelet ng mga biktima ay tinangay din ng mga suspek.
Nang makakita ng taxi ay pinara ng mga biktima at nakiusap na dalhin sila at samahan sa himpilan ng pulisya para makapagreklamo.