TINATAYANG umaabot sa P59-milyon ang halaga ng mga fully grown na puno ng marijuana, mga punla, tangkay at mga buto nito ang winasak ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP) sa Benguet.
Ayon kay PDEA Director General Undersecretary Arturo G. Cacdac Jr., ang nasabing marijuana eradication ay tinawag nilang OPLAN Berdeng Ginto, na isinagawa noong Pebrero 15 hanggang 18 (taong kasalukuyan) sa munisipalidad ng Kibungan at Bakun.
Ayon kay Director Ronald Allan Ricardo ng PDEA Cordillera Administrative Region (PDEA-CAR), ang tatlong araw na operasyon ay nagbunga sa pagwasak nila sa may 257,500 mga halaman ng marijuana; 27,800 mga punla nito; 105,000 gramo ng pinatuyong dahon nito; 28,000 gramo ng mga tangkay at 11,000 gramo ng mga buto na umaabot sa kabuuang halaga na P59,012,000.00.
Nanggaling ang mga iligal na halaman sa may 48 plantasyon sa 52,530 square meters na taniman bagamat wala silang nahuling cultivator sa naturang operasyon.
Kabilang sa tumutok sa operasyon ang team ng Provincial Police Safety Company (PPSC-Benguet), Provincial Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Group (PAIDSOTG), Benguet Provincial Police Office, Kibungan Municipal Police Station, Bakun Municipal Police Station, Kapangan Police Station, at mga trainee ng Special Weapons and Tactics (SWAT).