NAUWI sa trahedya ang masayang inuman ng magkakaibigan makaraang mapatay sa bugbog ang isang 36 anyos na lalaki ng kanyang kainuman sa Proj. 7, Quezon City kagabi Pebrero 24, 2013 (Linggo).
Kinilala ni chief inspector Rodel Marcelo hepe ng Quezon City Police District Criminal Investigation and Detection Unit ang biktima na si Charlie Ignacio, may-asawa, ng 36-C Laneth St., Brgy. Veterans Village, Proj. 7, QC.
Idineklarang dead on arrival si Ignacio sa Quezon City General Hospital dahil sa tinamong bugbog sa kanyang katawan.
Kinilala naman ang mga suspek na sina Ferdinand Quibang at Raymart Ebale, 22, binata, kapwa ng Laneth St., Brgy. Veterans Village, Proj. 7, QC.
Ayon kay PO3 Modestino Juanson, naganap ang insidente sa harap ng bahay ng mga suspek sa Laneth St., Brgy. Veterans Village, Proj. 7 dakong 7:30 ng kagabi .
Sinabi ni Juanson na masayang nag-iinuman ang biktima at suspek sa naturang lugar nang magkaroon ng tuksuan at kulitan ang mga magkakaibigan habang nag-iinuman.
Nauwi sa pikunan ang naturang inuman hanggang sa bugbugin ng mga suspek ang biktima at mawalan ng ulirat.
Isinugod ang biktima sa naturang pagamutan subalit hindi na ito umabot ng buhay dahil sa tinamong matinding pinsala sa kanyang katawan.
Nahaharap naman sa kaso ang mga suspek bunga ng naturang insidente.