KALABOSO ang 22-anyos na holdaper nang manlaban ang isa sa dalawang babae na kanyang biniktima sa loob ng pampasaherong jeep kaninang umaga sa Pasay City.
Hinablot ni Paula Cruz, 22, dalaga at cook ng Resort World Hotel ang suspek na si Mark Anthony de Isidro, ng Centro, Maricaban pagsapit sa kanto ng EDSA at Taft Avenue nang tangkaing bumaba sa sinasakyan nilang pampasaherong jeep.
Dahil sa kaguluhan, inihinto ng driver na si Jonathan Cawasa, 42, ang minamanehong sasakyan at nagsisigaw na humingi ng tulong.
Nagkataon namang napadaan sa lugar si SPO2 Alejandro Cuadra, nakatalaga sa Police Community Precinct (PCP) 4 ng Pasay police na noon ay pauwi sakay ng kanyang motorsiklo kaya’t siya na ang dumakip sa suspek.
Sa report ng pulisya, sumakay ang suspek sa naturang pampasaherong jeep na may anim na pasahero sa EDSA kanto ng P. Garcia St., Makati City bago mag-alas-6 ng umaga at nagdeklara ng holdap pagsapit sa malapit sa Taft Avenue.
Tinutukan ng suspek ng baril si Cruz sabay hablot sa hawak nitong blackberry cellphone at kinuha naman ang bag ni Rhodora Francisco, 41 na naglalaman ng salapi, alahas at personal na gamit.
Gayunman, bago makatakas ang suspek ay nanlaban na si Cruz na naging dahilan ng pagkakaaresto ng suspek.