PATAY ang 44-anyos na lalaki nang barilin ng kanyang biyenang lalaki makaraang mauwi sa mainitang pagtatalo ang kanilang komprontasyon hinggil sa pagmamalupit ng biktima sa kanyang asawa na anak ng suspek kaninang hatinggabi sa Taguig City.
Kusang sumuko sa Police Community Precinct (PCP) 2 ng Taguig police ang suspek na si Felix Ilao, ng Blk 4 Lot 67 Anecita St., Purok 1 Central Bicutan, dala ang ginamit na kalibre .45 baril, matapos ang pamamaslang sa kanyang manugang na si Marlon Maas, 44, mananahi at residente rin sa naturang lugar..
Ayon kay PO3 Engracio Lino ng Taguig Police Investigation and Detective Management Section, naganap ang insidente ng pamamaril dakong alas-12:10 ng hatinggabi kanina matapos na sitahin ng matanda ang kanyang manugang hinggil sa pagmamalupit sa kanyang anak na itinago muna sa alyas Mina.
Nakarating sa kaalaman ni Ilao ang pagmamalupit ng kanyang manugang sa kanyang anak kaya sinita niya ang lalaki na nagkataon na nakikipag-inuman sa mga kaibigan.
Humantong sa mainitang pagtatalo ang komprontasyon ng dalawa hanggang kinuha ng matanda ang kanyang baril at pinagbabaril sa ulo at katawan ang manugang.