NALAMBAT ng mga awtoridad ang number 7 drug personality sa Ilocos region sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Billoca, Batac, Ilocos Norte, nitong Pebrero 23.
Ang suspek na itinuturing na untouchable sa kanyang sariling bayan ay kinilalang si Jose Agdigos. Nadakip ang suspek matapos mahulihan ng hinihinalang shabu ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office 1 (PDEA Region 1).
Dinakip ang suspek sa bisa ng search warrant sa buy-bust operation sa bahay nito sa Barangay Rayurac, Batac, Ilocos Norte.
Nakumpiska sa suspek ang 22 sachet ng hinihinalang shabu, isang kalibre .38 baril at dalawang granada. Nakuha rin sa suspek P3,500 buy-bust money, P68,400 cash na may iba’t ibang denomination, kulay green na Yamaha motorcycle (plate no. 7572 ZC) at mobile phone.
Ayon sa PDEA si Agdigos ay hindi lamang hinihinalang supplier ng shabu sa Batac kundi hinihinala ring sangkot sa gun-for-hire at gun-running business sa naturang lalawigan.
Nahaharap si Agdigos sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at paglabag sa RA 8294 (Illegal Possession of Firearms).